Inilunsad ng Manila City Government ang City Amelioration Crisis Assistance Fund na inaasahang makakatulong sa nasa 568,000 na pamilya sa lungsod.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, sa ilalim ng nasabing programa, makatatanggap aniya ng tig-P1,000 ang bawat isang pamilya sa lungsod.
Paliwanag ni Moreno, lahat ng paraan ay kanilang ginagawa ngunit bigo silang mabigyan ang lahat ng pamilya ng food assistance packages sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ani Moreno, sa 13 araw na pag-iral ng ECQ, aabot lamang sa 235,072 pamilya ang kanilang naabutan ng food packages.
Dahil umano rito, napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan na bigyan na lamang ang bawat pamilya ng pera upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong at para matiyak na maaabot nito ang lahat ng pamilya sa lungsod.