Sarado ang mga outlets ng civil registration system sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal habang umiiral muli ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Undersecretary Dennis Mapa, maaapektuhan nito ang pagkuha ng kopya ng mga civil registry documents tulad ng birth, marriage at death certificates.
Gayundin aniya ang certification of no marriage record (CENOMAR) o advisory on marriage.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PSA ang publiko na magsumite ng aplikasyon sa pagkuha ng mga nabanggit na dokumento, online sa pamamagitan ng www.psaserbilis.com.ph.
Gayunman, sinabi ni Mapa na asahan na ang matagal na pagproseso at delivery ng mga dokumento dahil sa binawasang work force at limitadong transportasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.
Samantala, maaari naman aniyang magpadala ng text messages ng mga katanungan sa textline numbers ng PSA mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.