Muling pinatutsadahan ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Pangulong Rodrigo Duterte sa harap na rin ng umano’y panggigipit sa kaniya ng administrasyon nito.
Giit ni Sereno, tanging sa Diyos lamang aniya siya mananagot at hindi sa kahit kaninuman partikular na iyong mga nasa kapangyarihan kaya wala aniyang dahilan para siya’y matakot.
Naniniwala rin si Sereno na walang forever o panandalian lamang ang mga nasa kapangyarihan kaya’t hinding-hindi aniya siya magpapatinag sa mga ito.
Binigyang diin pa ni Sereno na ang pagiging simple at matuwid aniya ang kaniyang naging panuntunan sa buhay kaya’t tiwala siyang papanig sa kaniya ang katotohanan.
Sa huli, nanindigan si Sereno na buong tapang aniya nitong haharapin ang inihaing impeachment laban sa kaniya at kumpiyansa siyang malalampasan niya ang pagsubok na ito.