Nakatakdang maghain ng ‘wellness leave’ si Chief Justice Maria Lourdes Sereno simula sa Huwebes, Marso 1.
Ayon kay Atty. Jojo Lacanilao, isa sa mga tagapagsalita ni Sereno, ito ay upang mapaghandaan ng Punong Mahistrado ang nakaambang impeachment trial nito sa Senado.
Pero paglilinaw ni Lacanilao ‘wellness leave’ lamang at hindi magbibitiw sa puwesto si Sereno.
Aniya, orihinal na nakatakda sana sa March 12 hanggang 23 ang leave ni Sereno ngunit mas pinaaga na lamang ito mula March 1 hanggang 15.
“Meron siyang scheduled na wellness leave sa March. Talagang na-schedule na yun, matagal na. Ina-advance niya lang, para makapag-prepare na rin siya sa Senate trial.” Pahayag ni Lacanilao
Sereno files a “Wellness leave” to prepare for her impeachment trial but she won’t resign -Lacanilao @dwiz882 pic.twitter.com/2xudZrn5rK
— Jill Resontoc – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) February 27, 2018
Ginawa ang anunsyo sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig ng House Justice Committee sa impeachment case laban kay Sereno ngayong araw kung saan dinedetermina kung may probable cause ang kaso.
Samantala, hindi naman kumbinsido si Atty. Larry Gadon sa inihaing ‘wellness leave’ ni Sereno.
Aniya batay sa nakuha niyang ulat ay kinompronta umano ng mga mahistrado ng Korte Suprema si Sereno at pilit na itong pinagbibitiw sa kanyang tungkulin.
Ayon kay Gadon, matibay na ang mga ebidensya na magdiriin laban kay Sereno, at aniya sa halip na ‘wellness leave’ ay dapat tuluyan na lang na magbitiw sa puwesto ang Punong Mahistrado.
“Wellness leave”not enough, Sereno you resign -Gadon @dwiz882 pic.twitter.com/SsW4l88eqP
— Jill Resontoc – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) February 27, 2018
By Aiza Rendon / (with reports from Bert Mozo/ Jill Resontoc)