Handang-handa na si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na harapin sa Senado na tatayo bilang impeachment court ang lahat ng mga nag-aakusa sa kanya.
Ito ang inihayag ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno sa impeachment case nang magbalik na sa kanyang trabaho kahapon sa Korte Suprema ang Punong Mahistrado matapos ang dalawang buwang ‘wellness leave’ nito.
Nagbalik si Sereno ilang araw bago talakayin ng Supreme Court En Banc ang inihaing quo warranto petition na inihain laban sa kanya ng Office of the Solicitor General o OSG.
Sa panig naman ni Atty. Larry Gadon, pangunahing complainant sa impeachment case kay Sereno, wala aniyang epekto ang pagbabalik-trabaho nito sa kinahaharap niyang quo warranto petition.
Kumpiyansa si Gadon na nakapagpasya na ang mga mahistrado sa naturang petisyon kaya’t hindi na rin aniya ito maaapektuhan ng pagbabalik-trabaho ni Sereno.
Samantala, nilinaw naman ng legal counsel ni Sereno na si Atty. Jojo Lacanilao na pamumunuan pa rin ni Sereno ang En Banc Session bukas, Mayo 11 subalit mag-iinhibit ito sa sandaling talakayin na sa sesyon ang petisyong inihain laban sa kanya.
—-