Ibinunyag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may 2 Milyong Pisong hindi nabayarang buwis si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang inihayag ni BIR Deputy Commissioner For Operations Arnell Guballa sa kaniyang pagharap sa impeachment hearing ng Kamara laban sa punong mahistrado kahapon.
Paliwanag ni Guballa, pawang nagmula sa VAT o Value Added Tax ang nadiskubreng tax deficiency ni Sereno sa loob ng apat na taon o mula 2005 hanggang 2009.
Kaugnay naman ng alegasyon ni Atty. Lorenzo Gadon na kumita umano ng 37 Milyong Piso si Sereno mula sa PIATCO, sinabi ni Guballa na batay sa talaan ng Office of the Solicitor General, aabot sa 32 Milyon ang kinita umano ni Sereno mula sa naturang kumpaniya.
Mas mataas ito ayon kay Guballa kumpara sa sinasabi ng kampo ni Sereno na nasa 30 Milyong piso lamang ang kinita ng punong mahistrado nang maging abogado ito ng PIATCO.
Kasunod niyan, sinabi ni Guballa na may hinihintay pa silang iba pang mga record ni Sereno tulad ng nuo’y siya’y propesor pa ng batas sa Unibersidad ng Pilipinas.
Jaymark Dagala / Jill Resontoc / RPE