Umapela si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mga miyembro ng Hudikatura na manatiling professional at patuloy lamang na tumutok sa trabaho.
Ito ay sa kabila ng ikinahaharap na impeachment complaint ng Punong Mahistrado.
Sa kanyang talumpati sa 14th Metrobank Foundation Professional Lecture sa Korte Suprema, inihayag ni Sereno na mahalagang mapanatili ng Hudikatura ang dignidad at pagiging independyente nito.
Iginiit ni Sereno, marami pang dapat gawin at gampanan ang Hudikatura para sa bansa na aniya’y sumisigaw ng hustisya.
Dagdag ni Sereno, kahit naisalang siya sa impeachment, maipagmamalaki niyang aktibo ang Korte Suprema sa pagdidisiplina sa mga abugado, hukom at court employees na nagkaroon ng mga pagkukulang.
Buwelta ng kampo ni CJ Sereno vs Alvarez
Malinaw umano na marubdod ang pagnanais ni house Speaker Pantaleon Alvarez na matanggal sa pwesto si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang reaksyon ng kampo ni Sereno matapos ihayag ni Alvarez ang kanyang forecast na makikitaan ng probable cause ang impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado gayung nagpapatuloy pa ang pagtalakay dito.
Ayon kay Atty. Aldwin Salumbides, tagapagsalita ni Sereno, hindi na tumigil ang patutsada ni Alvarez laban sa Punong Mahistrado.
Iginiit ni Salumbides, bago pa man simulan ng House of Representatives ang pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Sereno, hinatulan na ito ni Alvarez, at sa katunayan at pinagbibitiw na sa puwesto.
Dagdag pa ni Salumbides, hanggang sa ngayon ay wala pa ring naipipresentang mga ebidensya na makapagpapatunay sa mga alegasyong ibinabato sa Punong Mahistrado.