Binuweltahan ni Supreme Court Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno ang pinakamahigpit niyang kritiko na si Senior Associate Justice Teresita Leonardo de Castro.
Ito’y kasunod ng mga akusasyon kay Sereno bilang mahistrado na may pinakamalaking ginastos at may pinakamaluhong biyahe sa panahon ng kaniyang panunungkulan sa High Tribunal.
Tahasang inakusahan ni Sereno si De Castro bilang mahistrado na may pinakamaraming biyahe sa lahat ng mga mahistrado na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Ayon kay Sereno, labinlimang beses bumiyahe si De Castro sa iba’t ibang bansa sa loob ng limang taon nito bilang mahistrado ng Supreme Court subalit aminado siyang aprubado naman ito ng En Banc.
Karamihan sa mga naging biyahe ni De Castro ay dahil sa pagiging Pangulo nito ng International Association of Women Judges mula taong 2014 hanggang 2016.
Samantala inendorso ni Retired Associate Justice Arturo Brion si De Castro para maging nominado sa Office of the Ombudsman kapalit ni Conchita Carpio-Morales na nakatakda nang magretiro sa buwan ng Hulyo.
Ayon kay Brion, kuwalipikado si De Castro para sa naturang posisyon dahil napatunayan na nito ang kaniyang kakayahan at integridad sa mahigit isang dekada nito sa hudikatura.
Magugunitang naging laman ng balita si De Castro nang tumestigo ito laban kay Sereno sa pagdinig ng House Committee on Justice nang talakayin dito ang impeachment case laban sa Punong Mahistrado.
—-