Humingi ng paumanhin ang mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa En Banc o sa mga mahistrado ng high tribunal.
Kaugnay iyan sa naging pahayag ng mga abogado ni Sereno hinggil sa estado ng pagbabakasyon nito na kumokontra naman sa posisyon ng mga mahistrado.
Ayon kay Atty. Jojo Lacanilao, abogado ni Sereno, magiging maingat na sila sa pagsasalita sa susunod lalo’t mas pinaghahandaan ng kanilang kampo ang magiging depensa ng punong mahistrado sa Senado.
Una riyan, binasa ni Lacanilao ang naging pahayag ni Sereno na hindi ito nagbitiw at hindi sya kailanman magbibitiw sa puwesto bilang punong mahistrado.
Magugunitang binasa ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te ang pahayag ng mga mahistrado na indefinite at hindi wellness leave ang inihain ni Sereno.
Binatikos din ng En Banc ang kampo ni Sereno dahil sa mga maling pahayag nito sa publiko na naglagay anila sa hudikatura sa balag ng alanganin at kahiya – hiyang sitwasyon.
Supreme Court En Banc, tutugunan ang kalituhang ginawa ng kampo ni CJ Sereno
Inatasan ng Supreme Court En Banc ang Office of the Court Administrator at ang Clerk of Court ng mga mahistrado na ipaalam sa lahat ng Korte sa buong bansa na naka-indefinite leave ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y makaraang magpalabas ng paglilinaw ang mga mahistrado hinggil sa puwersahang pagbabakasyon kay Sereno batay sa napagkasunduan sa isinagawa nilang En Banc session kamakalawa.
Batay sa tatlong pahinang kalatas, binigyang diin ng mga mahistrado na kanilang tutugunan ang mga kalituhang naidulot ng kampo ni Sereno hinggil sa tunay na estado ng pagbabakasyon nito.
Magugunitang iginiit ng kampo ni Sereno na pawang wellness leave lamang ang ginawa ni Sereno subalit iginiit naman ng mga mahistrado na puwersahan at walang deadline ang pagbabakasyon ng punong mahistrado.
Jaymark Dagala / Bert Mozo / Jill Resontoc/ RPE