Nanindigan si on leave Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi siya magbibitiw sa puwesto.
Ito ay sa kabila ng mga panawagan mula sa mga empleyado, huwes, opisyal at mga mahistrado ng Korte Suprema na mag-resign na si Sereno para maisalba ang kanilang institusyon.
Iginiit ni Sereno na lalabanan niya hanggang sa huli ang kanyang kinakaharap na impeachment case.
“I will not resign, I’m determined to wage til the logical end this battle started by those who seek to undermine the constitution and the judiciary, I’m resolute in carrying on the good and noble fight for judicial independence, sa mga mamamayan na humihingi ng tunay hustisya, hangga’t ako ay may lakas at sa awa ng Diyos, lalabanan ko ito, kasama niyong lahat at malalagpasan natin ang unos na ito na nagbabantang lumamon sa ating demokrasya.” Ani Sereno
Inilatag din ni Sereno ang mga dahilan kung bakit hinding hindi siya tutugon sa mga panawagang magbitiw na siya sa puwesto.
“Kung magre-resign po ako ibig sabihin hindi ko po pinaninindigan ang rule of law na ang bawat naaakusahan ay may karapatang madinig at ipagtanggol ang sarili, hiningi ko po sa Mababang Kapulungan na ako’y madinig sa pamamagitan ng aking mga abogado ngunit ako’y tinanggihan bagkus walang pakundangang niyurakan ang aking pagkatao at pangalan, sa Senado lamang po at hindi sa resignasyon ang aking pag-asang madinig, kung susuko po ako, sinasabi ko na rin sa bawat Pilipino na sumuko sa hirap ng paninindigan sa buhay lalong-lalo na sa pagtatanggol ng ating mga karapatan at ng demokrasya.” Dagdag ni Sereno
Naniniwala rin si Sereno na walang magiging kapayapaan sa Korte Suprema kung hindi iiral ang katarungan.
“Hinihingi ko po ang pang-unawa ng mga nananawagan sa aking resignasyon upang magkaroon na ng kapayapaan sa Hudikatura na ani nila ay mag-move on na ang judiciary, anong kapayapaan ang tinatawag niyo kung walang katarungan, at walang katarungang makakamit hangga’t hindi naihahayag ang bawat panig, ang hinihingi ko lang po ay hintayin ninyo ang aking panig sa Senado.” Pahayag ni Sereno
Sa huli, sinabi ni Sereno na lahat ng kanyang pinagdaraanan ngayon ay kanya na lamang ipinagpapasa-Diyos.
“I have given my all to the Lord in this course, I have entrusted to him my future and that of my family, will you be with me? As we cry out to the Lord, do not forsake us oh Lord for we cry out to you for the future of our beloved country, be with us, be with us, God bless you all.” Pagtatapos ni Sereno
—-