Nanindigan si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi siya magbibitiw sa puwesto sa harap na rin ng gumugulong na impeachment laban sa kaniya.
Kahapon, isang palabang Sereno ang humarap sa publiko kasabay ng isinagawang misa na inorganisa ng kaniyang mga taga-suporta para sa Punong Mahistrado.
Iginiit ni Sereno na wala siyang kasalanan sa bayan na taliwas sa mga ipinaparatang sa kaniya dahil nasa panig siya ng katotohanan at batid niyang kasama niya ang Diyos sa kaniyang laban.
Kasunod nito, nanawagan si Sereno sa publiko na makiisa sa mga hakbang laban sa paninikil, kawalang katarungan at pagsupil sa demokrasya na siyang pundasyon ng isang malayang bansa.
—-