Sisikapin ng Judicial and Bar Council o JBC na maisumite sa Malacañang ang shortlist para sa susunod na Chief Justice ng Korte Suprema sa huling linggo ng Agosto o unang linggo ng Setyembre.
Ayon kay kay Atty. Milagros Fernan Cayosa, miyembro ng JBC, nais nilang mabigyan ng mahaba-habang panahon ang Pangulong Rodrigo Duterte na mabusisi ang records ng sinumang malalagay sa shortlist.
Mayroon anyang hanggang July 26 ang mga nagnanais na mag-apply bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Sinabi ni Cayosa na sinuman ang makapasa sa first screening ang isasalang nila sa public interview.
Sa ngayon anya ay wala pang taga-labas ng Korte Suprema ang nagsumite ng aplikasyon para sa maging Chief Justice.
Samantala, awtomatiko namang kasama sa shortlist ang limang nangungunang mahistrado ng Supreme Court na sina Associate Justices Antonio Carpio, Presbitero Velasco Jr., Diosdado Peralta, Teresita de Castro at Lucas Bersamin.
—-