Tinawag na insulto ng pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang claim ng militar na isa ito sa mga unibersidad na nagrerecruit ng mga estudyante para maging kasapi ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay PLM President Emmanuel Leyco, malaking insulto sa kanilang faculty, masisipag na staff at magagaling na estudyante na inihahanda nila para maging lider ng bansa tungo sa maunlad na Pilipinas.
Sinabi ni Leyco na hindi katanggap-tanggap ang nasabing akusasyon sa gitna na rin nang pagpupursige ng education sector partikular ng PLM Community na makaagapay sa mga hamon ng online education.
Binigyang diin ni Leyco na hindi sila aware o wala silang alam sa anumang recruitment ng CPP-NPA sa loob ng campus at hindi rin sila nasabihan o nabalaan ng mga otoridad hinggil sa mga umano’y aktibidad ng mga makakaliwa.
Buo aniya ang passion nila para sa public service lalo na’t ang mga pinakahuling graduates nila ay medical doctors na bahagi ng medical frontliners sa Maynila bukod pa sa mga nagseserbisyo sa gobyerno bilang mambabatas, nasa hudikatura at maging nasa executive branch.