Umarangkada na ang ikalawang araw ng pagdinig hinggil sa isinampang kaso ng Pilipinas laban sa China sa The Hague, Netherlands kaugnay sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Charles Jose, sumentro ang pagdinig sa pagkakait ng China sa bansa na makapangisda sa teritoryong sakop ng nine dash line claim nito.
Tinalakay rin aniya ang pangingialam ng China sa soberanya ng Pilipinas at sa karapatan ng bansa alinsunod sa isinasaad ng UNCLOS kaugnay ng exclusive economic zone.
Sinabi rin ni Jose na pinag-usapan din sa pagdinig ang fishing ban sa teritoryo na ipinatupad ng China’s Ministry of Agriculture kahit na sakop naman ito ng exclusive economic zone ng bansa.
Iprinisinta rin sa naturang pagdinig ang testimonya ng mga mangingisdang Pinoy bilang patunay ng panghihimasok ng Tsina sa pangingisda ng ating mga kababayan partikular sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Una rito, tinuligsa ng Pilipinas ang patuloy na reclamation at construction activities sa West Philippine Sea at nanindigan ang bansa na nilabag ng China ang karapatan sa soberanya ng Pilipinas kaugnay ng mga living at non-living resources sa exclusive economic zone at continental shelf nito.
By Meann Tanbio | Allan Francisco
Photo Credit: gov.ph