Inilunsad ng iba’t ibang non-government organizations o NGOs sa bansa ang kampanyang “Clean Seas Pilipinas” kasabay ng pagdiriwang ng World Enviroment Day kahapon.
Sa ilalim ng kampanya, mag-iipon ng mga plastic bottles at iba pang mga recyclable materials ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa para ibigay sa mga junk shop.
Naniniwala naman ang mga grupong nasa likod ng kampanya na sa maliit na paraan makatutulong ang mga estudyante para mabawasan ang pagkalat ng mga basurang plastic para sa ikabubuti ng kalikasan.
Samantala, isusulong naman ni Senadora Loren Legarda ang batas na magbabawal na sa paggamit ng mga micro-plastics at single-use plastics sa mga produkto sa bansa.
Sa kanyang pagdalo sa 4th Asia Pacific Coral Reef Symposium, napapanahon nang magpatupad ng nasabing batas sa bansa para maalis na ang “throwaway culture” ng mga Filipino at mabawasan ang mga basura sa Pilipinas.
Magugunitang lumabas sa pag-aaral ng Ocean Conservancy at Mckinsey Center for Business and Environment noong 2015 na pumapangatlo ang Pilipinas sa mga bansang nagkakalat ng mga basurang plastic sa karagatan.
—-