Nagkasa ng Clean up drive ang Malabon City LGUs laban sa lumalalang sakit na Dengue sa bansa ngayong sunud-sunod ang nararanasang mga pag-ulan bunsod ng Low Pressure Area (LPA) at Hanging Habagat.
Ayon sa Pamahalaang Lokal ng Malabon, puspusan na ang kanilang ginagawang kampaniya sa 21 barangay ng kanilang lungsod para panatilihing ligtas ang mga residente partikular na ang mga kabataan na madalas tinatamaan ng naturang sakit.
Inatasan na ni Malabon City Mayor Jeanie Sandoval ang lahat ng mga opisyal ng barangay sa kanilang nasasakupan na gawing regular ang paglilinis at puksain ang pinamamahayan ng mga lamok upang ganap na malabanan ang sakit na dengue.
Layunin ng naturang programa na hanapin at sirain ang posibleng pinamumugaran ng lamok kabilang na ang mga gulong ng sasakyan, mga imbakan ng malinis na tubig at mga boteng may lamang tubig na maaaring pangitlugan ng mga lamok.
Kasabay nito, nagkasa din ng misting at fumigation o pagpapausok ang Malabon Government sa pangunguna ng City Health Department at ng Sanitation Divison ng lungsod.