Mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Ormoc City ang kanilang isinasagawang clean up drive kasunod na rin ng pagdedeklara ng state of calamity sa lugar dahil sa mataas na kaso ng dengue.
Ayon kay Ormoc City Leyte Mayor Richard Gomez, pumalo ng mahigit 400 ang naitalang bilang ng mga nagkasakit ng dengue sa lungsod kung saan dalawa sa mga ito ang nasawi.
Higit na mataas aniya ito sa naitalang humigit kumulang 100 kaso lamang ng dengue noong nakaraang taon.
Paliwanag ni Gomez, posibleng naging dahilan ng pagtaas ng kaso ng dengue ang mga naipong tubig sa paligid dahil sa hindi napaghandang tag-ulan matapos ng mahabang panahon ng tag-tuyot.
“Kung matatandaan natin simula nung December hanggang June walang ulan dito sa Leyte, talagang mainit. Kaya nung pagbiglang bagsak ng ulan siguro hindi napaltan ng maraming tao, may mga gulong, may mga garapon, may mga plastic bottles na puno ng tubig napabayaan lang kaya nagkaroon ng spike sa dengue,” ani Gomez.
Dagdag ni Gomez, layunin naman ng pagdedeklara ng state of calamity sa Ormoc City ang magamit ang kanilang emergency fund para makabili ng mga karagdagang gamit sa pagsugpo sa dengue gayundin ang pagbibigay tulong sa mga nagkakasakit.
“Kasi yung clean-up drive namin dito sa Ormoc, although we have 110 barangays tuloy-tuloy naman yung clean up drive namin pero ang amin dito is search and destroy. Ibig sabihin hinahanap talaga naming yung nagpopondo nung mga tubig tapos from there naglalagay kami ng larvicides kaya nag-emergency kami, nag-state of calamity kami para yung fund namin sa calamity pwede naming maka-access at makabili pa kami ng mas maraming chemicals, larvicides, mga fogging machines,” ani Gomez.
Ratsada Balita interview