Hindi pa rin tumitigil ang militar sa pagtitiyak na wala nang natitirang bomba sa main battle area sa Marawi City sa Mindanao.
Sa panayam ng DWIZ kay Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Joint Task Force Ranao, ibinalita nito na may ilan pang mga butas na ginawang bunker o lagusan ng mga terorista ang posibleng iniwanan ng bomba.
Batay sa pinakahuling bilang ng militar, aabot na sa mahigit 2,000 mga pampasabog ang kanilang nakuha mula sa main battle area kaya’t hindi pa rin nila inirerekomenda sa mga residente roon na bumalik sa kanilang mga tahanan.
“Naniniwala kami na napasok na natin lahat but of course we have to do another clearing operations, kasama po lahat ng butas na nakikita natin, kine-clear natin, maaaring may pumasok na bomba sa butas at humukay sa lupa, we have to also clear this, i-recover yung bomba at i-dispose.” Ani Brawner.
Typhoon ‘Vinta’
Samantala, sampu naman ang naitalang patay sa pananalasa ng bagyong Vinta sa lalawigan ng Lanao del Sur, isang linggo na ang nakalilipas.
Ito ang inihayag ni Col. Romeo Brawner, batay sa isinagawa nilang search and rescue operations sa lugar.
Karamihan aniya sa mga naitalang casualties ay mula sa mga bayang nakapaligid sa Lake Lanao na ikalawa sa pinakamalaking lawa sa bansa.
“Meron po tayong nai-record na 10 casualties sa iba’t ibang munisipyo, hindi po dito sa Marawi City itself but around Lanao Lake, mataas po, itong lake na ito ang second largest lake sa Pilipinas, kaya maraming mga ilog at yan ang mga tumaas.” Dagdag ni Brawner
(Ratsada Balita Interview)