Pansamantalang itinigil ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang clearing operations mula sa bahagi ng Tagaytay City sa Cavite hanggang sa bahagi ng Batangas.
Ito’y makaraang isara ang limang kalye sa paligid ng bulkang Taal bunsod ng ipinatupad na lockdown ng mga awtoridad na layong iligtas ang mga mamamayan duon mula sa peligrong dulot ng pag-aalburuto ng bulkan.
Kabilang sa mga isinarang kalsada ang Tanauan-Talisay-Tagaytay road; Talisay-Tagaytay section sa Talisay; Talisay-Laurel -Agoncillo road partikular na ang Talisay section at Agoncillo section sa Barangay Banyaga sa Agoncillo gayundin ang Lake Taal-Tagaytay road na pawang matatagpuan naman sa lalawigan ng Batangas.
Itinigil din ang clearing operations sa bahagi naman ng Tagaytay-Taal Lake road at Tagaytay-Talisay road na kapwa sakop naman ng Tagaytay City dahil pa rin sa lockdown.
Kasunod nito, inilagay muna sa standby mode ang mga tauhan at sasakyan ng DPWH at maghihintay ang mga ito ng abiso kung kailan sila muling magsisimula ng kanilang clearing at rescue – relief operations