Posibleng maging katatawanan lamang umano ang Paris Agreement on Climate Change kung hindi ito kikilalanin ng mga dambuhalang bansa sa mundo.
Iyan ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi ma-oobliga ang malalaking bansa na lumagda sa kasunduan na naglalayong bawasan ang carbon emission na nagdudulot sa global warming.
Sinabi ng Pangulo na posibleng makahadlang sa paglago ng industriya sa bansa ang pagbabawas ng carbon emission ng mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas gayung hindi naman ito sinusunod ng mga malalaking bansa tulad ng Amerika.
Ayon sa Pangulo, hindi siya mangingiming sumunod kung makikita niyang sinusunod din ng lahat ng bansa ang mga kasunduang nilagdaan nuong mga nakalipas na panahon kontra climate change.
Magugunitang nagbanta si Pangulong Duterte na aatras ang Pilipinas sa 2015 Paris Agreement na nilagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa pag-asang makatutulong ito para masugpo ang climate change.
—-