Ipinagmalaki ng Climate Change Commission (CCC) na nagbunga na ang panggigiit ng Philippine government sa United Nations (UN) para sa climate finance ng mga developing countries.
Ayon kay CCC Vice Chair at Executive Director Robert Borje, naging agenda sa 27th Session of Conference of the Parties (COP27) ang patungkol sa usapin, partikular na ang 100-billion-dollar financial commitment para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na lubhang apektado ng climate change.
Sinabi ni Borje na manggagaling ang pondo sa kontribusyon mula sa mga mayayamang estado bilang finance obligation at suporta sa mga at-risk developing nations.
Aniya, ang hakbang ay nasa ilalim ng Paris Agreement at bahagi ng target na makakuha ng mas mataas na climate finance sa pamamagitan ng New Collective Quantified Goal ng Glasgow Climate Pact.
Matatandaang iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat magbayad ang mayayamang bansa ng danyos dahil sa ambag nito sa lumalalang climate change.
Sinegundahan naman ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos igiit sa nakaraang United Nations General Assembly (UNGA) na dapat tuparin ng mga industrialized countries ang kanilang obligasyon na may kinalaman sa climate financing.