Pinangunahan ng Climate Change Commission (CCC) ang isang climate mitigating road show kung saan tampok dito ang kauna-unahang International Climate Partnership Forum on Reforestation, Waste Management and Carbon Trading sa Clark, Pampanga.
Maliban dito, nagkaroon din ng tree-planting activity kasama ang mga estudyante ng University of Nueva Caceres Bataan at ilang kinatawan ng PTT Philippines sa pangunguna ni Sukanya Seriyothin at ilang miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF), Philippine Coast Guard, ilang grupo, local government officials at private individuals sa Sitio Binutas, Barangay Tala, Orani, Bataan.
Bilang suporta sa road show, nangako si Direction Investment Holding Company (DIHC) Executive Director Zulfiquar Ghadiyali ng Abu Dhabi na tutulungan nito ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino upang tumaas ang kanilang produksiyon o farm inputs sa pamamagitan ng modernong teknolohiya na magpapalaki rin ng kanilang kita.
Ayon naman kay CCC Commissioner Albert Dela Cruz Sr., gagamitin ng DIHC ang nasa 3,000 ektaryang sakahan sa Agusan del Sur at Nueva Ecija bilang tulong ng kompanya sa mga lokal na magsasaka.
Sinabi pa ni Dela Cruz na pinuri rin ni Ghadiyali ang isinusulong na food security at self-sufficiency ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. (Gilbert Perdez)