Naantala ang isinasagawang clinical trial ng Japanese anti-flu drug na Avigan sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire dahil sa kawalan ng kuwalipikadong pasyente ng COVID-19 ma maituturing bilang mild case.
Ayon kay vergeire, sa kanilang pinakahuling datos kahapon, Nobyembre 5, 4 lamang sa kinakailangang 100 COVID-19 patients ang naisalang sa Avigan trial.
Paliwanag ni Vergeire, ang Avigan ay isang tableta na ibinibigay sa mga mild case na pasyente at kailangang gawin sa isang hospital setting.
Gayunman, dahil aniya sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, wala nang masyadong mild case patient ang nagpapa-admit sa mga ospital.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na kasalukuyan nang nirerebisa ng kanilang clinical trial team ang ipinatutupad na protocol hinggil dito.