Lumarga na ang clinical trial sa bansa ng anti-influenza drug na Avigan mula sa Japan para tukuyin kung epektibo ito panlaban sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nagsimula ang Avigan trial noon pang November 20 kung saan mayroon nang partisipasyon ng walong indibidwal.
Tatlong pasyente ang nasa Philippine General Hospital, tatlo sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at dalawa sa Quirino Memorial Medical Center.
Sinabi ni Vergeire na una nang kinakitaan ng magandang resulta ang Avigan bilang pang-kontra sa COVID-19.
Una na umanong nagpadala ng mga tableta ang Japan sa bansa para sa isasagawang clinical trial ngunit makailang beses din itong naantala dahil sa ilang dokumentong kinakailangan.