Tinatayang 3,000 indibidwal ang target ng gobyerno kaugnay sa ilulunsad na pag-aaral sa mix and match o pagbibigay ng magkaibang COVID-19 vaccines.
Sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na manggagaling sa A1 hanggang A4 priority group ang kasali sa clinical trial.
Ayon kay DOST Undersecretary Rowena Guevara ang mga participant ay huhugutin mula sa walong proposed study sites sa buong bansa.
Maaari aniyang sumali ang mga kasama sa A1 hanggang A4 vaccination priority groups batay na rin sa DOH roll out at Covax facility guidelines.
Hahatiin sa 12 study arm o sub group ng participants ng clinical trial kung saan ang unang pangkat ay magsisilbing control group na mag-aaral sa bakuna mula sa isang platform.
Ikalawa ay grupo ng mga participants na bibigyan ng magkaibang vaccine brand sa una at ikalawang dose at ang ikatlong grupo ay bibigyan ng ibang bakuna bilang booster shot o ikatlong dose.
Limang brand lamang ng COVID-19 vaccines ang gagamitin sa clinical trial na kinabibilangan ng Sinovac, Astrazeneca, Gamaleya, Pfizer-BioNTech at Moderna.
Mangunguna sa pag-aaral na maaaring simulan sa susunod na buwan si Dr. Michelle De Vera ng Philippine Society for Allergy, Asthma and Immunology (PSAAI).