Posibleng ngayong buwan o sa susunod na buwan simulan ang clinical trials sa bansa ng dalawang potential vaccines para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tinukoy ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang Sinovac ng China at Sputnik V ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology ng Russia na nakatakdang magsagawa ng clinical trials sa bansa.
Oktubre nang i-clear ng vaccine expert panel sa ilalim ng DOST ang anti-COVID-19 vaccine na Sinovac para sa clinical trials sa Pilipinas.
Samantala, inihayag ng Gamaleya na 95% na epektibo ang dini-develop nitong Sputnik V vaccine, batay na rin sa ikalawang interim analysis ng clinical trial data.
Ayon kay Galvez, ipinabatid sa kanya ng vaccine experts na ang Sinovac ang pinakaligtas na bakuna kontra COVID-19 dahil wala namang naitalang insidente na nakakamatay sa paggamit nito.
Binigyang diin naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na reliable vaccine ang Sinovac na ginagamit na rin sa China.