Magsisilbing ‘cloud spotters’ ang isang daang katao, kabilang ang mga magsasaka at irrigation officials, para sa isasagawang cloud seeding operation upang mapaangat ang antas ng tubig sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.
Ayon kay Engineer Rosalinda Bote, Department Manager ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS), ito’y bilang paghahanda para sa dry crop season sa susunod na taon.
Kukunan ng mga cloud spotters sa Nueva Ecija ang mga makikita nilang ulap sa kani-kanilang lugar at ipapadala ang mga ito sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) ng Department of Agriculture (DA) para sa kaukulang assessment at prioritization.
Sinabi ni Bote na nitong weekend ay nasa 182 meters above sea level ang antas ng tubig sa dam na mas mababa kumpara sa 201 meters noong September 2019 habang malayo pa ito sa target na 210 meters sa katapusan ng susunod na buwan.
Nabatid na naglaan ang NIA ng 2.64 million pesos na pondo mula sa calamity fund ng ahensya para sa nasabing cloud seeding activity.