Nagbabala ang dating National Security Adviser sa malubhang implikasyon ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na bukas siya sa co-ownership ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay dating National Security Adviser at dating Cong. Roilo Golez, nanganganib na maapektuhan ang legal na posisyon ng Pilipinas sa pag-angkin sa West Philippine Sea gayung napanalunan na natin ang isyung ito sa international tribunal.
Ang sabi ng Hague ruling, walang bisa ‘yung kanilang nine-dash line, walang bisa ‘yung claim ng China na meron silang pag-aari dito sa West Philippine Sea. Kasi ang China, inaangkin ang halos 90% ng West Philippine Sea, pag sinabi mong co-owner, ano ba ‘yan 10%, 20%, 30% o 50%? Medyo malubha ang implikasyon ng ganyang statement na parang kinikilala natin na sila ay mayroong pag-aari sa anumang porsyento sa West Philippine Sea. Pahayag ni Golez
Binalewala rin ni Golez ang mga babala na baka magka-giyera kung patuloy na kokontrahin ng Pilipinas ang China.
Dapat anyang gayahin ng Pilipinas ang matinding paninindigan ng Vietnam sa isang bahagi ng South China Sea kahit pa binubully rin sila ng China.
Huwag nating sabihin na binabantaan tayo, hindi naman gagawin ng China ‘yan, kasi kapag ginawa nila ‘yan, masisira ang kanilang imahe. Bago nila magawa ‘yun, giyegiyerahin tayo, magpapadala sila ng mga barko dito. Hindi nila pwedeng gawin ‘yan, malaking gulo ‘yan. Kapag ginawa ng China ‘yan, mayroon tayong mutual defense treaty with the United States na pwede nating gamitin. Paliwanag ni Golez