Nilinaw ng Commission On Audit na wala sa kanilang report na overpriced ang mga biniling pandemic supplies ng gobyerno.
Ito’y sa gitna ng kaliwa’t kanang senate hearing at batuhan ng akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ilang miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee sa iregularidad umano sa COVID-19 response funds.
Sa pagdinig sa House Committee on Good Government and Public Accountability, inamin ni COA Chairman Michael Aguinaldo ang obserbasyon sa COA report ay may kaugnayan lamang sa inventory management kaysa overpricing.
Nakatutok ang imbestigasyon ng kamara sa pagbili ng DBM-PS ng medical supplies matapos ang coa report na sumita sa paglipat ng P42 bilyon pandemic funds ng Department Of Health sa DBM-PS upang ito ang manguna sa pagbili ng supply.
Naglunsad din ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado kung saan lumitaw na malaking bahagi ng pondo ay ipinambili ng mga kagamitan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na mataas umano ang presyo kumpara sa ibang kompanya.