Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang Pamahalaang Panlungsod Ng Makati na bayaran ng P1.12-milyon ang supplier ng souvenir na kanilang ginamit sa Sampiro Festival noong 2015.
Sa ipinalabas na desisyon ng COA, pinagbigyan nito ang inihaing petisyon ni Erlinda Tan, may-ari ng kumpanyang OVT-Graphic Line Incorporated laban sa Makati City Government.
Ito ay matapos tumanggi ni dating Makati City Mayor Romulo Peña na bayaran ang OVT-Graphic Line Incorporated dahil sa kaawalan ng pirma ng kanyang sinundan na si Mayor Junjun Binay sa mga dokumentong may kaugnayan sa transaksyon sa kumpanya.
Ayon sa COA, bagama’t maaaring may mga legal na pag-aalinlangan sa transaksyon, nararapat pa ring bayaran ng Makati City Government ang OVT batay sa principle of quantum merit o natapos nitong trabaho.
Dagdag ng COA, nakapagsumite rin ng mga kinakailangang dokumento ang OVT-Graphic Line Incorporated na nagpapatunay na naideliver nito ang mga natapos na souvenirs para sa Sampiro Festival.