Pinahohold ng Commission on Audit ang sahod ng ilang mga opisyal ng Department of Education na nabigong i-liquidate ang cash advances na nagkakahalaga ng 6.96 billion pesos.
Kabilang sa mga major deficiencies na nakita ng komisyon ang pagbibigay ng cash advances nang walang tamang pahintulot; paglilipat ng pondo sa pagitan ng mga accountable officers at pagbabayad ng mga gastusin tulad ng service recognition incentives sa pamamagitan ng cash advances sa halip na direktang pagbabayad.
Batay sa datos ng COA, ang mga rehiyon na may pinakamataas na unliquidated balances ay ang DEPED-Central Visayas na nagkakahalaga ng 1.31 billion pesos at sinundan ito ng DEPED-Eastern Visayas na mayroong 1.01 billion pesos na unliquidated balance.
Dahil dito, naglatag ang COA ng ilang kondisyon upang masolusyonan ang nasabing usapan.
Kabilang sa mga iminungkahing kondisyon ng COA ang pagpapatigil ng pagbibigay ng bagong cash advances sa mga opisyal na may natitirang balanse; paglabas ng demand letters sa mga aktibong empleyado at i-hold ang mga sahod ng mga delinquent accountable officers hanggang sa mabayaran ang kanilang mga obligasyon.
Nabatid na ang ilang sangkot na opisyal ay mga accountable officers na nagretiro na, nagbitiw na, nag-awol at lumipat na ng trabaho.