Muling nagpaliwanag ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa pagkakasama ng 7 ambassadors sa listahan ng mga highest paid government officials.
Binigyang diin ni DFA Asstistant Secretary Charles Jose na misleading ang COA report dahil pinagsama-sama ang suweldo at iba pang gastusin ng mga ambassadors.
Sinabi ni Jose na ang sakop ng Salary Standardization Law ang suweldo ng mga ambassadors ng bansa kaya’t hindi sila puwedeng lumampas sa isinasaad ng batas.
Kaya aniya lumobo ang halagang tinatanggap ng mga ambassadors ay dahil kasama sa releases ng pondo ang bayad sa kanilang official residence at iba pang gastusin.
“Hindi naman po na parang lumalabas po sa COA report parang ‘yun ang total na take home pay ng ating ambassador na hindi naman po tama, well in fact ito pong perang ito ay hindi naman dumadaan sa kamay ng ating ambassador, subalit ito po ay binabayaran diretso po ng embassy sa mga landlords po, so kung atin pong titignan na tumatanggap ng so much ay maaaring tama po ang figure no, pero hindi po ‘yun ang katotohanan.” Pahayag ni Jose.
Huge allowances
Una riot, pinagpapaliwanag nga ang Department of Foreign Affairs sa isyu ng milyun-milyong pisong sahod at allowances ng mga ambassador.
Ayon kay Gabriela Partylist Representative Luzviminda Ilagan, batay sa isinagawang audit ng Commission on Audit sa Report on Salaries and Allowances (ROSA) ng mga opisyal ng gobyerno, ang 11 ambassadors at dalawang consul ay tumanggap ng P138.25-million na total compensation noong nakaraang taon.
Lumalabas na naturang COA report na si Philippine Ambassador to China Erlinda Basillio ang highest paid official noong 2014 kung saan nakakubra ito ng P16.44 million.
Kabilang pa sa mga tumanggap ng malaking sahod sina Enrique Manalo, Ambassador to the United Kingdom, P12.34 million; Lourdes Yparraguirre, Ambassador to Austria, P11.74 million; Esteban Conejos, Representative to the World Trade Organization, P10.7 million; Philippe Lhuillier, Ambassador to Portugal, P10.56 million; Maria Teresa Taguiang, Consul General in Tokyo, P10.9 million.
Maria Cleofe Natividad, Ambassador to Germany, P9.86 million; Mercedes Tuason, Ambassador to the Vatican, P9.7 million; Grace Princesa, Ambassador to the United Arab Emirates, P9.6 million; Cresente Relacion, Ambassador to Qatar, P9.4 million; Victoria Bataclan, Ambassador to Belgium, P9.1 million; Eduardo Menez, Ambassador to Iran, P9.1 million; at Consul General Cecilia Rebong, P8.8 million.
Habang ang kanilang boss na si DFA Secretary Albert del Rosario ay tumanggap lamang ng P1.7 million noong nakaraang taon.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit | Meann Tanbio