Sinita ng Commission on Audit ang Bureau of Jail and Management dahil sa lumalalang kondisyon sa loob ng mga kulungan sa buong bansa.
Batay sa 2017 COA report, lumobo sa 612 percent ang occupancy rate sa mga kulungan sa Pilipinas.
Kung saan sumampa sa halos 150,000 ang populasyon ng mga preso na sobrang mataas sa mahigit 20,500 presong kapasidad lamang ng mga kulungan sa buong bansa.
Nakasaad din sa report na naitala ang pagtaas sa populasyon ng mga kulungan dahil sa pagdami ng drug relates cases at mabagal na pag-aksyon ng mga korte sa mga nakabinbing mga kaso.
Iginiit pa ng COA, maituturing nang paglabag sa United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners at BJMP manual on habitat, water, sanitation and kitchen in jails ang naitalang matinding pagsisiksikan sa mga kulungan.
Dagdag pa ng COA, naitala rin sa loob ng tatlong taon ang tumaas na bilang ng mga inmates na nagkakasakit kung saan pumalo sa mahigit 57,000 kaso noong 2017.
Samantala naitala naman sa CALABARZON, Central Luzon at Region 9 o Zamboanga Peninsula ang mga pinaka-overcrowded o punong puno nang kulungan.