Kumpiyansa ang coach ni former two-divison UFC World Champion Conor McGregor na matutuloy ang laban ng kanyang alaga kontra kay pambansang kamao Manny Pacquiao ngayong taon.
Ayon kay Phil Sutcliffe, 85 hanggang 90% siyang nakatitiyak na mangyayari ang laban nina Pacquiao at McGregor sa pagitan ng Marso, hanggang Mayo.
Dagdag ni Sutcliffe, plano rin nilang agad na isailalim si McGregor sa dalawang buwang boxing camp pagkatapos ng nakatakdang laban nito kontra kay Dustin Poirier sa UFC 257 sa ika-24 ng Enero.
Magugunitang umugong noong nakaraang taon ang posibilidad na paghaharap nila McGregor at Pacquiao matapos kumpirmahin ng dalawang kampo na nagkakaroon sila ng mga pag-uusap.