Nagpapasalamat si Gilas Pilipinas head coach at program director Chot Reyes sa suporta ng Philippine Basketball Association na naging daan upang mabawi ng bansa ang korona sa katatapos lamang na 32nd Southeast Asian Games na ginanap sa Cambodia.
Personal itong ipinarating ni coach Reyes sa PBA Board of Governors matapos ang kanyang pagbisita sa pagpupulong ng grupo kahapon.
Balik sa trono ang Gilas isang taon matapos isuko ang korona sa Indonesia mula sa 80-69 panalo sa host Cambodia.
Una silang nakabawi sa Indonesia sa semifinals, 84-76.
Tinalo ng Indonesia ang Gilas, 85-71, noong nakaraang SEA Games sa Vietnam dahilan para mapatalsik sa trono ang Pilipinas sa unang pagkakataon simula noong 1989.
Nauna nang pinasalamatan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang PBA at ang UAAP.