Plano ng Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang Coco Levy Bill na pasado na at matagal nang hinihintay ng mga magsasaka ng niyog.
Ito ang ipinabatid ng Pangulo sa pakikipagpulong sa liderato ng Senado kagabi.
Napag-alaman na hindi kumporme ang Pangulo sa probisyon ng Coco Levy Bill hinggil sa taunang P10 bilyong subsidy dahil sa ito ay permanente at pangmatagalan na.
Para maiwasan ang pag-veto sa naturang bill, nagpasya ang liderato ng Senado na ibalik ang nabanggit na panukalang batas sa bicam panel para ayusin, bagay na sinang-ayunan naman ng Kamara de Representantes.
Nabatid na nais din ng Pangulo na mayorya ng hahawak ng pondo ay government personnel.
Dahil dito mamayang alas-6:00 ng gabi ay muling magpupulong ang bicam panel para ayusin ang Coco Levy Bill.
Ayon sa isang senador, naiwasan sana ang ganitong pagbabalik sa bicam ng isang bill kung aktibong minomonitor ng Presidential Legislative Liaison Office o PLLO ang mga ipinapasang bill sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso para agad silang naaabisuhan kung mayroong hindi nagugustuhan ang Palasyo sa inaaprubahan nilang panukalang batas.
—-