Nakikipag-usap na ang Office of the Vice President sa Government Service Insurance System (GSIS) upang magamit ang Coconut Palace sa Pasay City bilang permanenteng opisina ni Vice President Sara Duterte at ng mga susunod pa sa kanyang katungkulan.
Ito ang inihayag ni Duterte sa pagdinig ng senate Finance Committee sa proposed P2.3 billion budget ng ovp sa susunod na taon.
Ayon kay VP Sara, maaaring i-donate o ibenta ng GSIS ang mga pag-aari nitong properties bilang permanent property ng ovp.
Bagaman ang Coconut Palace ang tangi nilang target na gawing official residence, nilinaw naman ng pangalawang-pangulo na naghahanap rin ang ovp ng iba pang pag-aari ng gobyerno na magagamit bilang permanenteng opisina.
Naglaan na anya ang ovp ng P10 million na pondo bilang downpayment sa makukuhang property upang matiyak ang kontrata.
Samantala, hindi pa idinedetalye ng GSIS ang halaga ng Coconut Palace na naging opisina ni dating Vice President Jejomar Binay mula 2010 hanggang 2016.