Pinaalalahanan ng KBP o Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas ang mga radio and TV network na maging responsable sa pagpapakalat ng mga impormasyon at laging isabuhay ang code of ethics.
Iyan ang binigyang diin ni KBP President Herman Basbaño sa taunang national assembly at eleksyon ng KBP na ginawa sa Clarkfield, Pampanga kahapon.
Ayon kay Basbaño, mahalaga ang pagsasabuhay sa code of conduct ng mga mamamahayag sa mga telebisyon at radyo sa paniniwalang ito ang mabisang paraan para malabanan ang pagkalat ng fake news lalo na sa social media.
Binigyang diin pa ni Basbaño na ang pagsunod sa mga panuntunan at paglalatag ng sistemang patas, tama at responsableng pagbabalita ang siyang malaking pagkakaiba ng mainstream o traditional media sa social media.