Isinailalim na sa heightened alert ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa gitna nang banta ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ayon kay BARMM Minister of Health Safrullah Dipatuan, itinaas ang “Code White Alert” sa rehiyon matapos ang isinagawang deliberasyon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) noong Enero 31, 2020 para palaganapin ang kamalayan ng publiko laban sa banta 2019-nCoV ARD.
Partikular na nakatuon ang heightened alert sa mga miyembro ng BTA, Provincial at City Health Offices maging ang mga ospital na nakapaloob sa BARMM.
Ipinatupad ang “Code White Alert” matapos maglabas ng memorandum si Dipatuan noong Enero 13 na nag-aatas sa mga nabanggit na units na paigtingin ang kanilang pagbabantay sa gitna ng panganib ng 2019-nCoV ARD.
Tiniyak naman ni Dipatuan sa kanilang nasasakupan na sila’y “On top of the situation” at nagpapatupad ng mga hakbang para maiwasan ang pagpasok ng 2019-nCoV ARD sa kabila ng kakapusan ng pondo at kakulangan sa kagamitan.
Una nang sinabi ng Department Of Health (DOH) na 80 mga pasyente na ang iniimbestigahan o patients under investigations (PUI’s) sa 2019-nCoV ARD.
Dalawa na ang naiulat na kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV ARD sa bansa kung saan isa sa mga ito ay nasawi noong Sabado.