Itinaas na ang code white alert sa mga ospital sa CALABARZON simula kahapon October 11 hanggang 16 bilang paghahanda sa posibleng epekto ng tropical depression “Maymay.”
Ayon kay Dr. Ariel Valencia, Director ng DOH-CALABARZON, sa ilalim ng naturang alerto ay lahat ng pagamutan gayundin ang health care workers, gaya ng general at orthopedic surgeons, anesthesiologists, internists, operating room nurses, ophthalmologists at otorhinolaryngologists ay dapat na handa sa pagtugon sa anumang emergency situation.
Pinayuhan naman ni Valencia ang lahat ng disaster risk reduction and management councils na panatilihin ang 24 oras na monitoring operations.
Dapat din aniyang matiyak ng mga otoridad na may naka-preposition at may sapat na buffer stock gaya ng personal protective equipment; naka-standby na health emergency response teams para sa mabilis na deployment; gayundin ang pagsunod sa COVID-19 minimum health standards sa lahat ng pagkakataon.
Tiniyak naman ng DOH-CALABARZON sa publiko ang patuloy na pagbabantay ng Regional Office-Disaster Risk Reduction and Management for Health sa lahat ng health-related emergencies.