Itinaas na ng Department of Health (DOH) ang code white alert sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa buong bansa.
Ito’y bilang paghahanda para sa posibleng pagtaas ng kaso ng pagkakasakit dulot ng malamig ang panahon ngayong Kapaskuhan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni DOH Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy na taon-taon nila itong ginagawa pagpasok ng Christmas season.
Dahil dito, naka-stand by na ang lahat ng medical personnel sa lahat ng ospital para sa augmentation at deployment sa sandaling kailanganin.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Lee Suy ang publiko na palakasin ang resistensya at kumain ng masustansya para makaiwas sa mga sakit ngayong taglamig tulad ng ubo, sipon, lagnat at trangkaso.
“Sa dala ng panahon, alam naman natin na yun ang mga usual cases na nakikita pag ganitong panahon kaya kailangan ang maiging pag-aalaga sa sarili nang sagayon ay hindi agad makapitan ng mga common na sakit na ito, the same way na yung mga maysakit naman na ubo, sipon ay huwag munang pumunta sa mga mataong lugar nang sagayon ay hindi makapanghawa din ng sipon at ubo.” Pahayag ni Lee Suy.
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita