Kumpirmado nang bibisita sa bansa ngayong taon ang British rock band na Coldplay.
Ito ay matapos pag-usapan ng mga netizen sa social media partikular sa Twitter ang bali-balitang pagkakaroon ng concert ng grupo sa Manila.
Wala pang detalye sa kung kailan at saan gaganapin ang concert ng grupo pero ayon sa report inaasahan na ang pagdating nina Chris Martin, Guy Berryman, Jonny Buckland, at Will Champion sa Pilipinas sa huling bahagi ng taon.
Gumawa na ang Coldplay ng 7 albums at ang pinakabago ay ang ‘A Head Full of Dreams’ kung saan kabilang ang single na ‘Adventure of a Lifetime’.
Ilan pa sa mga pinasikat na kanta ng grupo ay ang ‘Viva La Vida’, ‘Yellow’, ‘Scientist’, ‘A Sky Full of Stars’, ‘Hymn for the Weekend’, at marami pang iba.
Matatandaang nakasungkit na ang grupo ng 7 Grammy awards mula sa 31 na nominasyon at hawak din nito ang 8 tropeo mula sa Brit Awards at 5 naman sa MTV Video Music Awards.
Samantala, nagpahayag ng kasiyahan at excitement ang mga Pinoy fans sa ‘most anticipated visit’ ng grupo sa bansa.