Matatawag na hobby para sa isang tao ang pangongolekta ng merchandise o kung anu-anong gamit na may kinalaman sa mga iniidolo at kinahihiligan nila. Tulad ng 20-anyos na lalaki sa Taiwan, pero ang problema ay itinapon ng kaniyang nanay ang kaniyang koleksyon!
Kung bakit, alamin.
Sa Chiayi City, taiwan magkasama sa iisang bahay ang isang mag-ina. Ang 64-anyos na nanay ay kinilala sa apelyido nito na Chien, habang ang anak naman niya ay hindi tinukoy ang pangalan.
Pebrero ngayong taon nang itapon ni Chien ang 34-volume manga comics na Attack on Titan na koleksyon ng kaniyang anak sa kadahilanang nainis siya na nag-ookupa ito ng malaking espasyo dahil sa dami nito at inaamag na rin daw.
Wala sa bahay ang kaniyang anak nang itapon ang mga iyon kung kaya naman matindi ang naging galit nito nang makauwi.
Dahil dito, isinumbong si Chien ng kaniyang anak sa mga pulis at nagsampa pa ng reklamo sa korte at sinabing sinira nito ang kaniyang personal property nang walang consent.
Sa korte, nirason ni Chien na kaya niya itinapon ang comics ay dahil mamasa-masa na ang mga ito at nag-ookupa ng malaking espasyo at makatarungan naman daw ang kaniyang ginawa.
Sinabi rin ni Chien na nais niyang magkabati sila ng anak ngunit nagmatigas ito at tumanggi.
Bagama’t humingi ng tawad si Chien sa anak, hindi na siya sumipot pa sa mga sumunod na pagdinig sa korte dahil tinanggihan din nito ang hiling niya na out-of-court settlement.
Destruction of Property ang chinarge ng prosecutors kay Chien ngunit nagkaroon din ng resolusyon pagkalipas ng anim na buwan.
Ayon sa hatol ng korte, dapat ay respetuhin ni Chien ang karapatan ng kaniyang anak sa mga pag-aari nito kahit na sila ay mag-ina.
At bilang mild lang naman ang ginawa ni Chien, pinagbayad siya ng korte sa damages sa halagang nt$5,000 o 8,778.73 sa Philippine peso.
Isa naman na ngayong collector’s item ang itinapong comics dahil hindi na ito ni-reprint kung kaya naman mahirap nang makakita ng complete volume nito at mas mataas na ang halaga.
Ikaw, anu-ano ang kinokolekta mo at paano mo ito inaalagaan?