Galit ang reaksyon ni Bayan Muna Partylist Congressman Neri Colmenares sa pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino na papogi lamang ang mga nagsusulong ng panukalang ibaba ang sinisingil na buwis sa mga manggagawa.
Ayon kay Colmenares, dapat malaman ng Pangulo na ang isyu ng pagbaba sa income tax ng mga manggagawa ay isyu ng katarungan at hindi isyu ng pagkawala ng kita ng pamahalaan.
Batay aniya sa kanilang pag aaral, 1987 pa ay overtaxed na ng P1.4 trillion pesos ang mga manggagawa.
“1987 ang ating P500,000 na annual income, tinataxan nila yan ng 32 percent pero 2015 na ang P500,000 na annual income ganun pa rin ang tax, 32 percent pa din, eh bumaba na ang value ng pera, tumaas na ang presyo ng mga bilihin, kaya nagtanong ako dati sa Philippine Statistics Authority kung magkano yung P500,000 noong 87 at ang sagot 2.6 million pesos.” Ani Colmenares.
Binuweltahan rin ni Colmenares ang Pangulong Aquino sa hamon nito na puwedeng ipasa ang bawas sa buwis kung makakahanap ang kongreso ng item sa national budget na puwedeng tanggalin.
“Na-budget lang yan for 2016 para pangbayad sa mga income tax ng malalaking concessionaires, o bakit ang hindi yun ang tanggalin mo? O di yun na lang ang sagutin niya kaya na ay hindi ko puwedeng tanggalin yan kasi mas pinapaboran ko ang mayayamang concessionaires kesa ordinaryong tax payers o di tapos, kesa gagawa pa siya ng kuwento na eh gawa-gawa niya lang yan, papogi niya lang, he sidetrack the issue.” Pahayag ni Colmenares.
Congress
Kaugnay nito hinamon din ni Bayan Muna Congressman Neri Colmenares ang Kongreso na aprubahan na ang panukalang bawasan ng buwis ang mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay Colmenares, dapat panindigan ng maraming mambabatas na hindi sila sunud-sunuran lamang sa idinidikta ng Pangulong Noynoy Aquino tulad ng mga kaalyado ng Palasyo na nagsusulong sa panukalang bawasan ang ibinabayad na buwis ng mga manggagawa.
“I really hope that the Congress should pass it especially since kami naman ang boboto diyan, ngayon kung gustong i-veto ng presidente eh di i-veto niya para klaro ang lahat, kesa sa ni hindi pa nga naka first base sa Congress hindi na namin aaprubahan dahil ayaw ng presidentena in the first place ang presidente ay hindi naman miyembro ng Kongreso.” Dagdag ni Colmenares.
Matatandaan na tinawag ng Pangulong Aquino na Papogi Bill ang panukalang tax cut.
By Len Aguirre | Ratsada Balita