Umaasa si Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares na boboto ang mga kasamahan niyang mambabatas pabor sa pag-override ng ginawang pag-veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang SSS pension increase.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Colmenares na batay sa kanilang pag-aaral ay natuklasan nilang wala umanong katotohanan na malulugi at masasaid ang pondo ng SSS pagdating ng 2029.
Giit ni Colmenares, kung kakaltasan ang unnecessary expenses at papalaugin ang investment ng SSS ay lalaki aniya ang pondo ng ahensya.
Base sa batas ay maaaring ma-override ang veto ng Punong Ehekutibo sa pamamagitan ng 2/3 votes ng mga kongresista sa kamara at mga senador.
“Ibig ko lang sabihin ang real reason kung bakit vineto ni Pangulong Aquino ay hindi dahil maba-bankrupt ang SSS, ayaw niya lang maglaan ng pondo para sa SSS to cover whatever deficit, doon sa hearing namin yung deficit sabi 4 billion, so kayang-kaya 3 trillion ang budget.” Ani Colmenares.
Seniors
Kasabay nito, nanawagan naman sa mga senior citizen ang isang mambabatas na tumulong sa pagkumbinsi sa kanilang mga kinatawan para maikasa ang SSS pension increase.
Ang hakhang ay ginawa ni Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares kasunod ng ginawang pag-veto ni Pangulong Noynoy Aquino sa naturang panukalang batas noong isang linggo.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Colmenares na dapat kausapin din ng mga matatanda o pensioners ang mga kongresista sa kani-kanilang lugar upang ma-override ang pag-veto ng Pangulo sa pension hike.
“Sana bumoto sila sa override, at yun nga ang hinihingi ko sa mga senior citizen sa buong bansa na sana kausapin, sulatan, tawagan ang mga district congressman sa kanya-kanyang probinsya para kausapin na bumoto naman kayo, una muna umattend kayo, mga February siguro kasi dun naman nagkaka-quorum.” Pahayag ni Colmenares.
By Jelbert Perdez | Karambola