Patuloy na paiiralin ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang paggamit nito sa color coded quarantine pass sa gitna ng umiiral na general community quarantine (GCQ).
Ayon sa kalatas na inilabas ng Caloocan City, ang mga residente nito na may kulay orange o kahel na quarantine pass ay papayagan lamang lumabas sa kani-kanilang kabahayan tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
Tuwing Martes, Huwebes, at Sabado naman papayagang makalabas ng bahay ang mga residenteng may quarantine pass na kulay berde o green, mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
At, ang mga residente ng lungsod na nakatanggap ng kulay white o puting quarantine pass ay papayagang lumabas alinsunod sa kanilang mga trabaho.
Kasunod nito, dahil sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19, hindi pa rin pinapayagan ng mga awtoridad ang paglabas ng mga may edad na 21 taong gulang pababa, senior citizens, at mga buntis.
Samantala, sa kaparehong kalatas, nanawagan ang pamahalaang lungsod ng Caloocan na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad para tuluyan nang masugpo ang banta ng nakamamatay na virus.