Dahil nabigo ang dalawang bidding, aarkila na lamang ang Commission on Elections o COMELEC ng isang warehouse na paglalagyan ng halos 100,000 Optical Mark Reader o OMR machines.
Sa isang notice, nananawagan ang COMELEC Bids and Awards Committee o BAC sa mga interesadong kompanya na magsumite ng kanilang proposal bago ang Oktubre 3.
Ayon kay BAC Chairman Helen Aguila-Flores, maglalaan ang ahensya ng mahigit P12 milyong piso para sa uupahang warehouse equipment na kinabibilangan ng truck o forklift, generator set, at aircon units.
Ang lease contract na isasagawa sa pamamagitan ng negotiated procurement ay tatagal ng isang taon.
Nagbabala naman ang COMELEC na ibabasura ang alok o bid offer na lagpas sa inaprubahang budget.
Local offices
Binuksan na ang lahat ng mga lokal na tanggapan ng Commission on Elections o COMELEC para sa voter’s registration.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, ang mga local office ng ahensya ay bukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon kahit holiday.
Sinabi ni Jimenez na binuksan na rin ng COMELEC ang kanilang satellite offices sa mga mall sa iba’t ibang panig ng bansa, ngayong araw.
Panawagan sa publiko
Muling nananawagan sa publiko ang Commission on Elections o COMELEC na huwag sayangin ang pagkakataong makapagparehistro para makaboto sa susunod na taon.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, dapat iwaksi na ng mga pinoy ang ugaling pagpaparehistro sa huling araw na ng registration.
Giit ni Bautista, dapat magparehistro na ang mga ito nang mas maaga o bago matapos ang voter’s registration sa Oktubre 31.
Aniya, mas maiging i-validate ng mga botante ang kanilang mga registration upang matiyak na mayroon silang biometrics at hindi makompromiso ang kanilang karapatang bumoto.
Sa pagtaya ng COMELEC, umaabot sa 3.1 milyon ang registered voters na walang sapat na biometrics data kaya’t hindi sila kwalipikadong bumoto sa 2016 elections.
By Jelbert Perdez