Bukas ang Commission of Elections (COMELEC) sa mga batikos ng publiko sa preparasyon para sa May 9 polls.
Tiniyak ito ni bagong COMELEC Chairperson Saidamen Pangaruman sa kabila ng reklamo ng ilang mambabatas, mga election watchdog at IT expert na hindi pinayagan ng poll body ang mga observer sa pag-i-imprenta ng mga balota.
Bilang bahagi anya ng transparency ay nagbigay sila ng walk-through sa produksyon at deployment ng vote-counting machines, consolidation at canvassing system sa kanilang warehouse sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon kay Pangaruman, magkakaroon din ng walk-through para sa stakeholders at media sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City mamayang hapon, lalo’t niluwagan na ang COVID-19 restrictions sa bansa.
Inihayag naman ni Commissioner Marlon Casquejo, Chairman ng Steering Committee ng COMELEC na inihanda na nila ang viewing room para sa printing process sa NPO.