Bumwelta ang isang opisyal ng Commission On Elections sa akusasyon ng ilang netizen na kakampi umano ang ahensya ang Liberal Party.
Ito’y may kaugnayan pa rin sa pagpayag ng En Banc na palawigin ang deadline sa paghahain ng Statement Of Contributions and Expenditures o SOCE hanggang sa June 30.
Matapang na sinabi ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na paanong may kinikilingan silang partido kung pumabor din naman sila sa iba pang kandidato, partikular sa iba pang Presidential candidates.
Inihalimbawa ni Guanzon ang pagpabor nila sa kaso noon ni President elect Rodrigo Duterte nang mag-substitute ito kay Martin Diño na unang naghain ng Certificate of Candidacy para kay Digong.
Bukod sa kampo ni Duterte, inihalimbawa rin ni Guanzon ang pagtanggap nila sa late filing ng Certificate of Nomination and Acceptance o CONA signatures ng United Nationalist Alliance ni outgoing Vice President Jejomar Binay.
By: Meann Tanbio