Nangako umano si Commission on Elections o COMELEC Chairman Andy Bautista na magbibitiw sa puwesto kapalit ng pagbasura ng House Committee on Justice sa impeachment case laban sa kanya.
Ibinunyag ito ni Congressman Harry Roque, isa sa mga endorsers ng impeachment case laban kay Bautista.
Pinaalalahanan ni Roque si Bautista na maaari pang mabuhay ang impeachment case laban sa kanya kapag naisampa na ito sa plenaryo kung saan boboto ang lahat ng kongresista.
Sakali aniyang makakuha ng one third vote o 98 kongresista ang impeachment case, walang magagawa ang House Committee on Justice kundi gumawa ng articles of impeachment at ihain ito sa Senado para sa paglilitis.
“Unang-una kaya yan dinismiss ng mga miyembro ng House Justice Committee at sila rin nagsabi sa akin dahil nakiusap daw si Chairman Bautista na siya naman daw ay magre-resign, sa akin po bago tuluyang maibasura yan sa plenaryo eh mag-resign na siya no, at tingin ko naman may mangyayari sa mga susunod na araw, dahil kapag na-transmit na yan sa plenaryo, either way ay wala nang atrasan.” Pahayag ni Roque
Matatandaang kahapon ay pinagtibay ng komite ang resolusyong nagbabasura sa reklamo laban kay Bautista sa botong 25-2.
Nag-ugat ang reklamo laban kay Bautista kasunod ng alegasyon ng kaniyang asawang si Ginang Patricia Paz hinggil sa umano’y tagong yaman ng poll chief na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso.
(Ratsada Balita Interview)